MANILA, Philippines — Pinalaya kahapon ng Bureau of Corrections (BuCor) ang 240 persons deprived of liberty (PDLs) kasabay ng pagdiriwang ng National Correctional Consciousness Week.
Ang culminating activity ay ginanap sa New Bilibid Prison (NBP) Sunken Garden ng NBP Compound sa Muntinlupa City pagkatapos ng Thanksgiving Mass para sa nasabing okasyon.
Sinabi ni BuCor Director General Gregorio Catapang Jr. na sa mga nakalabas na preso, 124 na ang nakapagsilbi na sa kanilang maximum na sentensya, 30 ang naabsuwelto, 16 ang nasa ilalim ng probation, 69 ang nabigyan ng parole, at isa ang turnover sa kulungan.
Sa nasabing bilang, 19 ay mula sa Correctional Institution for Women ( CIW)-Mandaluyong City), 2 mula sa CIW-Mindanao, 33 mula sa Davao Prison at Penal Farm, 6 mula sa Iwahig Prison at Penal Farm, 15 mula sa Leyte Regional Prison , 49 mula sa New Bilibid Prison (NBP)-Maximum Security Camp, 48 mula sa NBP-Medium Security Camp, 10 mula sa NBP-Minimum Security Camp, 5 mula sa NBP-Reception and Diagnostic Center, 23 mula sa Sablayan Prison and Penal Farm, at 30 mula sa San Ramon Prison at Penal Farm.
Bilang highlights sa okasyon, lumagda sa isang kasunduan ang BuCor at BP One Foods Inc. na kinakatawan ng presidente nitong si Antonio Sebastian Escalante, para sa mga oportunidad sa trabaho para sa mga dating PDLs.