MANILA, Philippines — Tatlong lalaki na nagpapanggap na mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) at gumagamit ng pekeng search warrants ang arestado sa tangkang pangingikil sa isang tindahan sa Parañaque City, kamakalawa.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Bernard”, 44-anyos; alyas “Lenon”, 24-anyos; at alyas “John”, 29-anyos, na nahaharap ngayon sa mga reklamong Robbery (extortion), Usurpation of Authority, Malicious Mischief, Grave Threat, at Falsification of Documents.
Dakong alas-3:00 ng madaling araw nitong Sabado nang pumasok sa establisimyento sa Aseana 1 Bldg., Blk 2, E. Cuenco, Barangay Tambo, ang mga suspek at ipinakita ang sinasabing search warrant kaugnay sa umano’y iligal na tobacco at sigarilyo na ibinebenta roon. Binantaan din umano nila ang kahera ng tindahan na si Shanine, 19-anyos, at nanghihingi ng P100-libo kapalit ng hindi pag-aresto sa kanila.
Habang binabaklas ng mga suspek ang mga CCTV camera ng tindahan, napansin ng mga security guard ng Aseana ang komosyon kaya namagitan. Sa kanilang pagberipika sa NBI, nabatid na ang tatlo ay hindi lehitimong NBI agents.
Agad itinawag sa Tambo Police Sub-Station kaya naaresto ang tatlong suspek na nasamsaman ng isang pekeng search warrant.