MANILA, Philippines — Binigyang-diin ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Bien Rubio ang kahalagahan ng intelligence efforts sa pagpoprotekta sa mga borders o hangganan ng bansa, kasunod ng pagpapaabot ng pasasalamat ni Finance Secretary Ralph Recto sa papel ng BOC sa pagtiyak ng kaligtasan ng mga komunidad
Sa kanyang talumpati sa idinaos na BOC’s Inter-Agency Intelligence Summit noong Biyernes, sa Batangas, binigyang-pagkilala ni Rubio ang “reinforced collaboration” ng iba’t ibang ahensiya na nagresulta sa pagkakumpiska ng P43.29 bilyong halaga ng smuggled goods noong 2023.
At mula Enero hanggang Oktubre, 2024, matagumpay na naisagawa ng BOC ang nasa 1,414 operasyon na nagresulta sa P72.091 bilyong smuggled goods, na lampas sa kanilang mga accomplishments noong nakaraang taon.
Nitong Oktubre 2024, nakakumpiska ang BOC ng P3.09 bilyong smuggled goods, na kinabibilangan ng P2.3 bilyong halaga ng mga commodities, P22.3 milyong sigarilyo, at P402 milyong halaga ng barko na may lulang smuggled petroleum products. Mayroon ding P42.16 milyong illegal drugs na nasabat sa NAIA at P323 milyong saku-sakong smuggled na bigas.
Ayon sa BOC, ang mga accomplishments na naitala nila ngayong taon ay isang “record-breaking feat” sa kasaysayan.
Sinabi naman ni Deputy Commissioner for Intelligence Group Juvymax Uy na ang summit ay lumilikha ng isang fora kung saan ang mga pangunahing ahensiya ng pamahalaan ay nagsasama-sama at tinutukoy ang kanilang mga kalakasan at kahinaan.
Samantala, inilarawan ni Sec. Recto ang intelligence bilang “vanguard” ng law enforcement dahil ang maaasahang impormasyon ay nangangahulugang hindi na kailangan pang mag-mobilized ng armadong grupo upang itigil ang mga aktibidad.