2 timbog sa pagbabayad ng pekeng P1K bills

MANILA, Philippines — Nadakip ng Pasay City Police Investigation and Detective Ma­nagement ang dalawang lalaki na inireklamo ng isang negosyante ng nagbenta ng motorsiklo na nagbayad ng pekeng pera kamaka­lawa ng hapon.

Sa magkahiwalay na follow up operations, alas- 4:50 ng hapon ng Oktubre 18 nang naaresto si alyas “Christian”, 25 at habang alas-4:55 ng hapon naman si alyas “Angelex”, 30, sa Tanza Cavite

Sa reklamo ng biktimang si alyas “Erwin”, 29, ang transaksyon ay naganap sa social media gabi ng Okt. 17 at nagkasundo sa presyong ? 20,000.00.

Nagkasundo sila ng mga suspek na makipagkita sa harapan ng isang convenience store sa Barangay 201, Pasay City kung saan naganap ang bayaran.

Nang makaalis na ang mga suspek, doon lamang nadiskubre ng biktima na peke lahat ng tig P1,000 na ibinayad sa kanya kaya agad na dumulog sa pulisya.

Nabawi naman sa nasabing operasyon ang Yamaha Mio motorcycle.

Nakapiit ang mga suspek habang nagsasagawa pa ng malalimang imbestigasyon sa pagtukoy kung saan nanggaling ang mga pekeng pera at kung may iba pa silang kinasangkutang krimen.

Naisumite na ang mga pekeng bills sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Pinuri ni Southern Police District (SPD) P/Brigadier General Bernard Yang ang mga operatiba sa mabilis na pagkadakip sa mga suspek.

Show comments