MMDA inilatag na paghahanda sa Undas 2024

Sumalang kahapon sa inspeksyon ang lahat ng personnel ng Manila Police District bilang paghahanda sa nalalapit na Undas 2024. Libu-libong pulis ang ikakalat sa iba’t ibang sementeryo sa Metro Manila sa paggunita ng All Saints’ Day at All Souls’ Day.

MANILA, Philippines — Plantsado na ang paghahanda ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa All Saints’ and All Souls’ Day ngayong taon.

Sinabi ni MMDA Chairman Don Artes, ang Oplan Undas 2024 na magsisimula ng Oktubre 27 hanggang Nobyembre 4 ay magpapakalat ng 1257 tauhan ang MMDA mula sa Traffic Discipline Office, Special Operations Group-Strike Force, Metro Parkways Clearing Group, at Road Emergency Group sa mga pangunahing lansangan, bus terminal, at mga sementeryo.

Magpapatupad din ng “No Day-Off, No Absent Policy” sa MMDA traffic personnel.

Palalawigin ang schedule ng duties hanggang hatinggabi isang araw bago at pagkatapos ng Undas para mas masigurado at mapaigting ang traffic management.

May 12 tow truck din ang ipakakalat ng Road Emergency Group at 6 na ambulansiya para sa anumang emergency at magtatayo ng help desk at command center naman ang ipoposte sa mga bus terminal.

Samantala, tututukan ng Metro Parkways Clearing Group ang kanilang paglilinis sa paligid ng mga sementeryo na magsisimula sa Oktubre 26 hanggang Nobyembre 4.

Inatasan naman ang MMDA Communications and Command Center na subaybayan ang sitwasyon ng trapiko sa NCR 24/7.

May 30 units ng deployable cameras ang gagamitin para sa pa­ngunahing malalaking sementeryo na kinabibilangan ng Manila North Cemetery, Manila South Cemetery, Bagbag Public Cemetery sa Quezon City, Loyola Memorial Park sa Marikina, at San Juan Public Cemetery.

May mga ospital din na gagawing mga eva­cuation centers sakaling kakailanganin ang serbisyo. Kabilang sa priority areas ang 23 sementeryo mula sa kabuuang 52 sementeryo sa buong Metro Manila.

Show comments