Naagnas na bangkay ng Spanish national, nadiskubre

MANILA, Philippines — Naaagnas na ang bangkay ng isang Spa­nish national nang matagpuan sa loob ng kanyang tinutuluyang silid sa Port Area, Manila kamakalawa.

Ang biktima ay kinilalang si Kepa Miren Zubitor Sarasota, 58, at nanunuluyan sa Staging Area sa Baseco, Port Area, Manila.

Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD) Homicide Section, dakong alas-9:30 ng gabi nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa kanyang silid.

Kasalukuyan uma­nong naglilinis si Juany Sapuldida, 57, building helper sa 4th level ng Staging Area nang may maamoy na masangsang na nanggagaling sa silid ng biktima. Kinatok umano niya ang pintuan ngunit walang sumasagot doon.

Dito na nila puwersahang binuksan ang pinto at tumambad sa kanila ang nakadapang biktima na naliligo sa sariling dugo.

Hinala naman ng mga imbestigador na may sakit na tuberculosis ang biktima dahilan para sumuka ng dugo na siya nitong ikinamatay.

Dinala ang bangkay sa Cruz Funeral Homes para sa awtopsiya at safekeeping.

Show comments