P81 kada araw, nawawala sa kita ng PUJs — PISTON

Ayon kay Ka Mody Floranda, national president ng PISTON, dulot ng P2.70 taas presyo sa kada litro ng diesel na gamit nila sa pampasaherong jeep, aabutin ng P81 ang mawawala sa kada araw nilang pamamasada.
Walter Bollozos, file

Dahil sa P2.70 oil price hike

MANILA, Philippines — Nagpahayag ng pagkadismaya ang transport group na PISTON sa higit P2 na oil price hike na nagsimulang ipatupad ng mga kumpanya ng langis nitong Martes.

Ayon kay Ka Mody Floranda, national president ng PISTON, dulot ng P2.70 taas presyo sa kada litro ng diesel na gamit nila sa pampasaherong jeep, aabutin ng P81 ang mawawala sa kada araw nilang pamamasada.

Binigyang diin ni Floranda na wala pa namang naipapagkaloob na fuel subsidy sa kanilang samahan ang gobyerno kaya ang naganap na big-time oil price hike ay may hatid na malaking epekto sa kanilang pamumuhay.

Aniya, aabutin sa P2,430 ang mawawala sa kanilang kita nang naganap na pagtaas ng halaga ng gasolina kung susumahin ang P81 sa isang buwan.

Binigyang diin ni Floranda na dapat sana ay mabigyan ng agarang solusyon ang matinding epekto sa kanilang hanay ng sobrang pagtaas sa presyo ng petrolyo.

Nairekomenda rin nito sa gobyerno na alisin ang buwis sa langis upang mabawasan ang halaga ng petrolyo sa bansa.

Kasabay ng paha­yag, nagsagawa kahapon ng protesta ang grupo ng PISTON sa isang gasolinahan sa Quezon City dahil sa naganap na sobrang taas ng presyo ng petrolyo na hindi na anya akma para sa mga operator at driver na kumikita lamang ng mababang halaga dahil sa pagdami ng bilang ng mga online vehicles at air-conditioned jeep na kakumpetensiya nila sa pamamasada.

Show comments