MANILA, Philippines — Tatlong katao ang sugatan habang mahigit 300 pamilya ang nawalan ng tahanan nang sumiklab ang sunog sa isang residential area sa Sta. Ana, Manila kahapon ng umaga.
Kabilang sa mga nasugatan ang mga miyembro ng Bureau of Fire Protection (BFP) na sina SFO3 Cristina Carolino, 42, at FO2 Rey Leonard Diel, 39, na kapwa dinala sa Sta. Ana Hospital matapos tamaan sa isang bumagsak na istruktura; at ang sibilyan na si Bonmar Suizon, 24, na nasugatan sa kamay.
Batay sa ulat ng Manila BFP, dakong alas-6:06 ng umaga nang magsimulang sumiklab ang sunog sa tatlong palapag na tahanan sa 2515 Radium St., Sta. Ana, na pagmamay-ari ng isang Lourdes Ico.
Umabot ng ikaapat na alarma ang sunog bago naideklarang fire out dakong alas-12:09 ng tanghali.
Sa pagtaya ng mga awtoridad, mahigit 100 na tahanan ang tinupok ng apoy at mahigit sa 300 pamilya ang naapektuhan. Aabot naman sa P3 milyon ang halaga ng mga ari-ariang napinsala dahil sa sunog na iniimbestigahan pa ang sanhi at pinagmulan.