MANILA, Philippines — Nagbabala ang Bureau of Corrections (BuCor) sa mga tauhan na umayos sa kanilang trabaho upang ‘di matulad sa 20 kawani na sinibak sa serbisyo at 99 na iba pa ang kinastigo dahil sa mga paglabag.
Ayon sa BuCor, simula nang maupo si Director General Gregorio Pio Catapang Jr. sa loob ng dalawang taon, umabot na sa 20 BuCor personnel ang sinibak sa serbisyo, 70 ang nasuspinde, 10 ang pinagmulta, at 19 ang pinagalitan.
Ang nasabing bilang ay pawang nagkasala ng gross neglect of duty, misconduct and conduct prejudicial to the best interest of the service, serious dishonesty, grave misconduct, neglect of duty, at insubordination.
Sinabi ni Catapang na ito ay nagpakita lamang ng kanyang pangako at matatag na paninindigan na linisin ang ahensya ng mga hindi kanais-nais at itaguyod ang integridad at pananagutan sa loob ng BuCor.
Binalaan din niya ang mga opisyal at empleyado ng BuCor na hindi siya magdadalawang-isip na gumawa ng aksyon laban sa mga lalabag sa mga patakaran at regulasyon sa loob ng organisasyon.
Sa mga nagpamalas naman ng maayos na trabaho, nasa 95 na tauhan ng BuCor ang na-promote sa serbisyo, simula nang maupo si Catapang.