Pulis, 3 pa tugis sa pagpatay sa ABC prexy
MANILA, Philippines — Nagkasa na ng manhunt operation ang Philippine National Police matapos na matukoy ng binuong Special Investigation Task Group (SITG) ang apat na suspek sa pagpatay sa Association of Barangay Captains (ABC) o Liga ng mga Barangay president at ex-officio board member na si Ramilito Capistrano at kanyang driver na si Shedrick Toribio kamakailan sa Malolos City, Bulacan.
Sa ulat na tinanggap ni Police Regional Office 3 Regional Director, PBrig. Gen Red Maranan mula kay Bulacan Police Provincial Director Col. Satur L. Ediong, isa sa mga suspek ay nakilalang si Police Staff Sgt. Ulysses Hernani Castro Pascual, pinsan na si Cesar Mayoralgo Gallardo Jr.; kapwa residente ng Navotas City, at kanilang mga kasabwat na sina alyas “Jeff” at alyas “Lupin”.
Ang apat ay nananatiling “at-large” at pinaghahanap na ng mga awtoridad ay kinasuhan na ng 2 counts of murder sa City Prosecutor’s Office ng Malolos.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief PBrig. Gen. Jean Fajardo, tinitingnan ngayon ng PNP ang lahat ng anggulo o motibo sa pagpatay kabilang ang pagiging board member ng biktima, personal grudge at may kinalaman sa negosyo.
Si Capistrano na may traucking business sa Bulacan ay nasa ikatlong termino na sa pagiging kapitan ng Brgy. Caingin sa San Rafael, Bulacan habang ikalawang termino na nito sa pagiging ex-officio member ng Sangguniang Panlalawigan.
Nauna nang inutos ni PRO 3 Regional Director Brig Gen. Redrico Maranan ang pagbuo ng “SITG Capistrano” na siyang tututok sa nasabing kaso.
- Latest