MANILA, Philippines — Mahigpit na ipagbabawal ang pagtitinda at mga pagtitipon sa loob ng sementeryo sa paggunita Undas o Araw ng mga Patay sa Maynila, ayon sa paabiso ng Manila City Government kahapon.
Ayon sa Manila LGU, bukas ang mga sementeryo sa lungsod mula alas-5:00 ng umaga hanggang 7:00 ng gabi mula Oktubre 30 hanggang Nob. 3.
Sa nasabing petsa, hindi rin papayagang makapasok ang mga sasakyan sa mga sementeryo. Wala rin munang libing at cremations.
Papayagan lamang naman ang paglilinis, pagkukumpuni at pagpipintura sa mga puntod hanggang sa Oktubre 26.
Sa mga magulang, lagyan nila ng tag ang mga isasamang anak mula sa Manila Department of Social Welfare (MDSW) para madali silang makilala o matukoy sakaling mawala.
Mahigpit na ipinagbabawal ang anumang pagtitipon ng mga private at political groups upang matiyak ang mataimtim na paggunita ng Undas. Tanging mga tents at tarpauline lamang mula sa Manila LGUs ang papayagan sa loob ng sementeryo.
Bawal din ang pagdadala sa loob ng sementeryo ng baril, at lahat ng matutulis na bagay, gaya ng kutsilyo, cutters, spatulas, at iba pa, gayundin ang mga nakalalasing na inumin, at mga alagang hayop.
Hindi rin pinahihintulutan ang mga gitara at malalakas na sound systems at flammable materials gaya ng alcohol, thinner, sigarilyo, lighters at posporo.