MANILA, Philippines — Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ng 30-araw ang tatlo pang driving schools sa Metro Manila at Cavite dahil sa umano’y mga illegal transactions na ginagawa sa kanilang operasyon.
Ayon kay LTO Chief Vigor Mendoza, ang driving schools sa Las Piñas City at Caloocan City gayundin sa Silang Cavite ay napatunayang nag-iisyu ng Theoretical Driving Course (TDC) and Practical Driving Course (PDC) certificates sa mga aplikante na kukuha ng student permit kahit hindi sumailalim sa naturang mga courses kapalit ng kaukulang bayad.
Ang naturang mga certificates ay requirement sa pagkuha ng naturang lisensiya.
“May nakumpirma tayong impormasyon sa maling gawain ng mga driving schools. They are now the subject of the investigation and part of the due process is to issue them with an SCO. But we already issued a 30-day preventive suspension on them pending the result of the ongoing investigation,” sabi ni Mendoza.
Pinadalhan na rin ng show cause order (SCO) ni Greg Pua, Jr., chairman ng LTO-Central Accreditation Committee on Driving Institutions, ang tatlong driving schools upang magpaliwanag kung bakit hindi maaaring maparusahan kaugnay ng ginagawa umanong ilegal na operasyon.
Una nang nasuspinde ng 30 araw ang driving school sa Lucena City at San Sebastian, Tarlac dahil sa katulad na modus.