MANILA, Philippines — Isang South Korean na “wanted” sa kanilang bansa dahil sa pagkakasangkot sa illicit drug trade ang nadakip ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI), nabatid kahapon.
Ayon sa BI, ang suspek na si Choi Sol, 40, ay naaresto ng mga tauhan ng Fugitive Search Unit (FSU) sa kanilang punong tanggapan sa Intramuros, Manila noong Oktubre 4.
Nauna rito, nakatanggap umano ng tip ang mga awtoridad na nasa BI compound ang dayuhan kaya’t kaagad itong inaresto.
Ayon sa BI, isang Interpol red notice ang inisyu laban kay Choi noong 2022 dahil sa kasong paglabag sa Narcotics Control Act na kinaharap sa isang Korean court. Inisyuhan din siya ng arrest warrant ng district court sa Cheongju City.
Binawi rin ng Korean government ang pasaporte ng nasabing dayuhan.
Anang BI, nakikipagsabwatan si Choi sa ibang suspek sa pag-operate ng Telegram chatroom na ginagamit upang makapagtulak ng ilegal na droga, gaya ng cocaine at hemp cartridges simula noong 2022.
Kasalukuyan nang nakapiit si Choi sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang inihahanda ang kanyang deportasyon.