MANILA, Philippines — Nakumpiska ng mga ahente ng National Bureau of Investigation-Rizal District Office (NBI-RIZDO) ang mga pekeng gamot na may halagang P1.9 milyon sa ginawang operasyon sa Tondo, Maynila.
Ang kaso ay nag- ugat sa reklamo na natanggap ng NBI-RIZDO mula sa isang law firm na humihiling na imbestigahan ang illicit traders na nag-ooperate sa Metro Manila na nagbebenta umano ng mga pekeng VICKS Products.
Kasama ng NBI ang mga operatiba ng Food and Drug Administration (FDA) nang magsagawa ng operasyon sa isang gusali sa Tondo, Manila sa bisa ng search warrant na nakuha mula sa korte.
Nakumpiska sa operasyon ang iba’t ibang misbranded at tampered Vicks products, mga gamot na Losartan at Amlodipine na may marka na pagmamay ari ng Pasay City LGU gayundin ang ilang prohibited items.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, ang mga gamot at mga taong nasa likod ng mga pekeng gamot ay sasailalim sa masusing imbestigasyon ng ahensiya upang mapanagot oras na mapatunayang lumabag sa batas.