MANILA, Philippines — Simula sa susunod na taon, doble na ang cash aid na matatanggap ng may 203,000 senior citizens ng Maynila mula sa pamahalaang lungsod.
Ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna sa talumpati sa Elderly Month celebration sa Palacio del Gobernador, ang monthly cash allowance ng mga seniors, na P500, ay magiging P1,000 na, pagsapit ng Enero 2025.
Sinabi ng alkalde na layunin nitong madagdagan ang financial capacity ng mga matatanda na makabili ng kanilang kailangan tulad ng medisina at iba pa.
Ani Lacuna, base sa plano, ang mga senior citizens ng lungsod ay tatanggap na ng P3,000 kada tatlong buwan o kada quarter.
Inatasan din niya si Vice Mayor Yul Servo, na naroroon din sa naturang pagtitipon, na agad asikasuhin ang ordinansa na siyang magbibigay ng kapangyarihan sa pagpapatupad ng nasabing cash aid increase.
Ang probisyon para sa allowance ng mga senior citizens ay naging epektibo sa pagpasa ng social amelioration program (SAP) ordinance ng Manila City Council, sa pamamagitan ng pagtitimon ni Lacuna na dating vice mayor at concurrent Presiding Officer ng Manila City Council.