MANILA, Philippines — Arestado ang isang karate instructor nang matunton dahil sa GPS o global positioning system sa cellphone ng isa sa tatlong empleyado na kaniyang hinoldap, sa pagsalakay sa loob mismo ng bahay nito sa Parañaque City, nitong Sabado.
Kinilala ang suspek na si alyas “Davy,” 41 anyos, may-asawa at residente ng Yague St, Sta Cruz, Manila.
Sa ulat ng Parañaque City Police, nadakip ang karate instructor sa isang hot pursuit operation kasunod ng pagnanakaw sa bahay sa Barangay Tambo, Parañaque City, madaling araw ng Oktubre 12, 2024.
Sa pamamagitan ng tawag sa 911, inaksyunan at natunton ng mga operatiba ng Parañaque Police Sub-station 2 sa pangunguna ni P/Major Ivan Soriano ang suspek dakong ala-1:00 ng hapon ng parehong araw, gamit ang GPS mula sa ninakaw na cellphone ng isa sa tatlong biktima.
Sa kuha ng CCTV at salaysay ng mga biktimang sina alyas “Ronel”, alyas “John”, at alyas “Francis”, pawang mga pribadong empleyado at residente ng Quirino Avenue, Tambo, Parañaque City, alas-5:20 ng madaling araw nang pasukin sila ng suspek na nakasuot ng EVO helmet, gray na sweatshirt, blue shirt, kupas na ripped maong shorts, at gray rubber shoes.
Nagdeklara ng holdap ang suspek habang nakatutok ang baril nito sa mga biktima at agad kinulimbat ang kanilang mga cellphone, wallet at pera.
Nang makaalis na ang suspek, agad tumawag sa 911 ang mga biktima na nirespondehan ng Sub-station 2. Nakalap ang CCTV footage at doon lumabas na sakay ng isang itim na Honda Click at nagdala ng screenshot sa pagtunton sa suspek gamit ang GPS sa iPhone apps.
Namataan ang suspek na palakad-lakad sa Yague St. at nang lapitan ay pumalag subalit ‘di na nakaporma pa sa mga operatiba nang arestuhin.
Nabawi ang mga nakaw na iPhone 8, iPhone 7 at isa pang Android cellphone, iba’t ibang debit/credit cards at reward cards na may iba’t ibang pangalan, Philippine passport ng suspek, mga wallet at P1,900 cash, 2-government IDs sa dalawang pangalan.
Kinumpiska rin ang motorsiklo at helmet na gamit sa krimen, ang baril na lumalabas na isang replica lang, at pati mga kasuotan ng suspek na nakita sa CCTV footage ay pinahubad para sa mas malakas na ebidensya.