MANILA, Philippines — Arestado ang 17 dayuhan sa sinalakay na 5-storey building na hinihinalang “scam hub” ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation-Cybercrime Division sa Makati City, Biyernes ng gabi.
Nabatid na 15 ay Chinese national, isang Taiwanese at isang Malaysian national ang dinakip.
Inimbitahan din ang ilang Pinoy na tagapagsilbi lamang sa mga dayuhan para sa imbestigasyon.
Sa ulat, pasado alas 11:00 ng gabi ng Oktubre 11, nang isagawa ang operasyon gamit ang search warrant laban sa nasabing scam hub na matatagpuan sa Barangay Tejeros, Makati.
Mayroong 20 workstation ang gusali, may ‘couple room’, lahat ng silid ay may kama at sariling banyo, habang ang commissary ay nasa rooftop.
Ang mga tagapagsilbing Pinoy ang naghahatid ng mga pagkain sa mga silid ng mga dayuhan kaya hindi na kailangang lumabas pa ng gusali ang mga ito.
Narekober ang mga computer, sim cards, cellphones, at mga notebook na naglalaman ng mga script sa operasyon ng investment scam at cryptocurrency scam.
Ayon sa NBI, isasalang sa forensic examination ang mga computers, cellphone at sim cards para sa pagtukoy sa kung kailan pa nagsimula, kung saan nanggagaling ang mga kliyente at kung anu-anong scam ang pinapasok ng grupo.