DepEd at BJMP sinelyuhan edukasyon para sa PDLs

MANILA, Philippines — Tiyak nang mapapa­lawak ang paglalaan ng edukasyon sa mga Person Deprived of ­Liberty (PDLs) matapos ang kasunduan sa pagitan ng Department of Education (DepEd) at Bureau of Jail and Management and Penology (BJMP).

Layon ng Memorandum of Agreement na maipasok ang mga PDL sa Alternative Learning System (ALS).

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, mahalagang magkaroon pa rin ng tamang edukasyon ang mga PDL upang magbigay ng pag-asa at dignidad gayundin ay mabigyan sila ng magandang kinabukasan.

Ito lamang aniya ang paraan upang maiangat ang buhay ng mga PDLs sa kabila ng kanilang kinakaharap na kaso.

Pinapurihan din ng kalihim ang “Tagapa­ngalaga Ko, Guro Ko” Program ng BJMP na siyang mainam na instrumento para sa pagkatuto ng mga detenido

Binigyan diin naman ni BJMP Director Ruel Rivera na tuluy-tuloy lang ang kanilang program para sa kinabukasan ng mga inmates.

Sa kasalukuyan, mayroong 20,000 PDL ang naka-enroll sa ALS program sa nakalipas na tatlong taon kung saan, mahigit 5,000 rito ang nai-enroll noong School Year 2023-2024

Dagdag pa ni Angara na sa pamamagitan ng naturang kasunduan, wala nang maiiwang detenido na kapos sa edukasyon at mabibigyan ng pagkakataon upang matuto.

Show comments