MANILA, Philippines — Arestado ang limang kababaihan na sangkot sa kaguluhan nang mang-agaw pa ng baril ng rumespondeng pulis sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Sa ulat ng Manila Police District-Station 1, sasampahan ng reklamong Direct Assault, Alarm and Scandal),Resisting Arrest), Slander/Oral Defamation at Slight Physical Injuries ang mga suspek na sina alyas “Judy Anne”, 25-anyos; alyas “Mary Rose”, 24; at alyas “Ana Marie”, 25, pawang residente ng Margarita Street, Barangay 105, Tondo.
Reklamong Alarm and Scandal), Resisting Arrest Slander/Oral Defamation at Slight Physical Injuries naman ang ihahain laban sa isa pang grupo na kinabibilangan nina alyas “Rose”, 31; at alyas “Charmaine”, 16, kapwa ng CM Recto, Sta. Cruz, Manila.
Sa ulat, habang nagpapatrolya ang mga pulis sa lugar nang makatawag pansin ang sigawan ng nag-aaway na dalawang grupo sa harapan ng Baluarte Bar sa H. Lopez Blvd. dakong alas 2:30 ng madaling araw ng Oktubre 10.
Nang lapitan upang payapain, itinulak at nanlaban sa mga pulis ang mga suspek at si alyas Judy Anne ay hinablot ang service firearm ni PStaff Sgt. Michael Datur na agad namang nabawi.
Nang dalhin sa police station, doon naman sila nagsisigaw ng --“Pulis ka pero wala kang bayag!” at nagmura, nanulak ng mga pulis at dumura pa sa mismong himpilan.