MANILA, Philippines — Hinimok kahapon ng isang abogado si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na personal na pangasiwaan ang nalalapit na proseso ng bidding sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) para sa mga malalaking proyekto na nagkakahalaga ng bilyong piso.
Umapela rin si Atty. Faye Singson kay Laurel na agad na imbestigahan ang mga nabanggit na alalahanin at gumawa ng naaangkop na mga hakbang upang matiyak ang isang patas at walang kinikilingan na proseso ng bidding na naka-iskedyul sa Okt. 10 at 11.
Ang mga proyekto sa ilalim ng Bid Reference Nos. 2024-62 at 2024-63 ay kinabibilangan ng pagkuha ng multi-mission offshore vessels, refrigerated cargo vessels, at steel-hulled fishing vessels.
Ang kabuuang badyet ng proyekto ay umaabot sa mahigit ?2.1 bilyon, tulad ng--Bid Ref. No. 2024-62, pagkuha ng 50-meter at 80-meter steel hull na multi-mission at multi-purpose vessels (ABC: P 1,500,000.00) na may nakatakdang bidding sa Oktubre 10, 2024; Bid Ref. No. 2024-63, pagkuha ng 23.5-meter steel hull fishing vessels, 62-Footer FRP boat at fishing gears (ABC: P665,965,900.00) na may nakatakdang bidding sa Oktubre 11, 2024.
Sinabi ni Singson, dating assistant prosecutor ng Office of the Ombudsman, na si BFAR acting head Isidro Velayo Jr. MDM, ang namuno sa bids and awards committee meeting noong Setyembre 11 at 12, 2024 na nagresulta sa pagpapalabas ng supplemental bid bulletin No. 2 na may petsang Setyembre 12, 2024.
“Ang integridad ng pampublikong pondo ay mahalaga,” ayon sa abogado.