MANILA, Philippines — Nasa 94 wanted persons na may standing warrant of arrest ang nalambat sa isang linggong operasyon ng mga operatiba ng Southern Police District (SPD) mula Setyembre 28 hanggang Oktubre 4, 2024.
Kabilang sa mga naaresto ay ang 16 na indibiduwal na naitala bilang Top Most Wanted Persons (TMWP), 25 sa kategoryang Most Wanted Persons (MWP), at 53 ang Other Wanted Persons (OWP).
Tatlong nangungunang police station na may pinakamaraming naaresto sa operasyong ito ay ang Muntinlupa City Police na may 20 naaresto; Las Piñas City Police na may 16; at Pasay City at Parañaque City Police na may tig-15 na nadakip.
Isang alyas “Lamberto”, na Top 2 Most Wanted Person sa Regional Level para sa Oktubre 2024, na may kasong murder sa sala ni Judge Victor R. Aguba ng Regional Trial Court, Branch 255, Las Piñas City. Siya ay dinakip alas 4:50 ng hapon noong Oktubre 4, 2024, sa Brgy Dita, Santa Rosa City, Laguna.
Si alyas “Zheng”, 27-anyos na Chinese national, ay inaresto rin dahil sa Qualified Trafficking in Persons bandang 12:40 ng hapon noong Oktubre 4, 2024, sa BJMP, Brgy. La Huerta, Parañaque City.
Si alyas “Christopher”, ang Top 1 MWP sa Municipal Level ng Pagudpud, Ilocos Norte, ay inaresto dahil sa mga paglabag sa Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004, bandang alas-11:00 ng umaga noong Oktubre 4, 2024, sa Quirino Avenue, Brgy. Baclaran, Parañaque City.
Panghuli, si alyas Michael, 27-anyos, na nakalista bilang TMWP Most Wanted Rank #6 sa Station Level ng Pasay CPS para sa Oktubre 2024, ay inaresto dahil sa acts of lasciviousness na may kaugnayan sa R.A. 7610 noong Oktubre 4, 2024, sa Tanza, Cavite.