Dalia Pastor hahanapin, ibabalik sa Pinas — DOJ
Dahil sa pagpatay sa asawang car racer
MANILA, Philippines — Tiniyak kahapon ng Department of Justice (DOJ) na hahanapin nila at agarang ibabalik sa Pilipinas si Dalia Pastor matapos na buhayin ng Mataas na Hukuman ang kasong parricide na isinampa laban sa kanya dahil sa umano’y pagpatay sa sariling asawang si car racer Enzo Pastor noong 2014.
Matatandaang kamakailan ay nakitaan ng Supreme Court (SC) ng probable cause na litisin si Dalia hinggil sa kaso at binaligtad ang ginawang dismissal dito ng Court of Appeals (CA).
Binuhay rin ng Korte Suprema ang arrest warrant at Hold Departure Order (HDO) laban kay Dalia, na pinaniniwalaang nagtungo sa Indonesia at malaunan ay sa Malaysia.
Umapela naman ang pamilya ni Pastor sa DOJ na hanapin, arestuhin at ibalik sa Pilipinas si Dalia, tulad ng ginawa nila kay dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Siniguro naman ni Justice Secretary Jesus Crispin ‘Boying” Remulla na makikipag-ugnayan sila sa kanilang international counterparts upang hanapin si Dalia at maibalik sa Pilipinas.
- Latest