MANILA, Philippines — Patay ang apat katao dahil sa “onsehan sa droga’ sa Taguig City, Sabado ng gabi.
Sa ulat mula kay Taguig City Police Station commander, P/Colonel Christopher Olazo, agad ikinasa ang operasyon ng kanyang mga tauhan hinggil sa insidente ng pamamaril ng apat na drug suspect sa tatlong biktima noong Biyernes ng gabi.
Sa ulat, alas-6:13 ng gabi ng Oktubre 5, napatay ng mga suspek si alyas “Marius”, 47, residente ng MLQ Street, Purok 1, Barangay New Lower Bicutan, Taguig; isa pang lalaki, at isang babae na ‘di pa tukoy ang pangalan.
Ayon sa saksing si alyas “Ronald”, habang siya ay naglalakad, nakita niya ang kapitbahay na si alyas “Mando”, isang alyas “Nash”, at alyas “Duco” at isa pang lalaki na kausap ang tatlong biktima at pinagbabaril na nagresulta ng agaran nilang kamatayan sa Purok 9, PNR Site.
Sa hot pursuit operation ng magkasanib na puwersa ng Station Intelligence Section (SIS) sa pangunguna ni P/Maj. Judge Rowe Donato at Sub-Station 2 Commander P/Capt. Si Kenny John Ruiz, kasama ang Special Weapons and Tactics (SWAT) ay nakasalubong nila ang suspek na si alyas “Mando” sa Purok 9.
Palapit pa lang ang mga pulis ay bumunot ng baril si Mando at pinaputukan ang direksyon ng mga operatiba dahilan upang gantihan siya ng mga putok na agad niya ring ikinasawi.
Narekober ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) mula sa suspek ang isang kalibre .38 revolver na kargado ng dalawang bala at isang empty shell.
Patuloy pang tinutugis ang tatlong suspek at inaalam pa ang pagkilanlan ng dalawang napatay na biktima.
Pinaniniwalaang onsehan sa iligal na droga ang dahilan ng pagpatay sa mga biktima.