MANILA, Philippines — Dalawang US KC-130J Hercules aircraft ng Marine Expeditionary Force ng Estados Unidos ang dumating na sa Colonel Jesus Villamor Air Base sa Pasay City na may lulang mga US personnel at kagamitan para tumulong sa isinasagawang relief operations sa lalawigan ng Batanes na matinding sinalanta ni supertyphoon Julian.
Ang nasabing mga aircraft ay mula sa Kadena Air Base sa Okinawa, Japan na may dalang mga humanitarian assistance and disaster relief (HADR) supplies para sa mga biktima ng super bagyo.
“We are deeply thankful to the US government for their swift response and unwavering support during this critical time. Their assistance is vital as we work to rebuild and provide for our communities affected by the super typhoon,” pahayag ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. sa dalawang US aircraft na dumating sa Villamor Air Base nitong Sabado.
Nabatid na dapat ay direktang lilipad patungong Batanes ang naturang mga eroplano pero dahil masyadong mabigat ang aircraft ay baka makompromiso ang runway ng Batanes airport kaya sa Laoag City airport sa Ilocos Norte ito lumapag kung saan ang mga supplies ay ibibiyahe ng USMV2 at CH5-1 aircraft patungo sa destinasyon.
Kabilang sa mga essential items na idedeliver sa mga apektadong komunidad ay 1,000 family food packs mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), 1,000 shelter repair kits mula sa Office of Civil Defense (OCD), 2,500 International Organization for Migration (IOM ) graded tarapaulin sheets at 1,000 IOM kitchen sets.
“This mission is part of the US government’s ongoing commitment to disaster relief efforts, facilitated through the United States Agency for International Development (USAID)”, saad naman ni Office of Civil Defense (OCD) Administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno.