4 pulis sibak sa ex-PCSO exec slay

A police lieutenant colonel testifying before the quad comm claimed retired PCSO chief Royina Garma (right) and Napolcom Commissioner Edilberto Leonardo were behind the assassination of PCSO board secretary Wesley Barayuga in 2020.

MANILA, Philippines — Sibak sa puwesto ang apat na pulis matapos na buhayin ang imbestigasyon sa pagpatay kay dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) board secretary Wesley Barayuga.

Ayon kay PNP public information officer Police Col. Jean Fajardo na kabilang sa bagong sinibak sa puwesto ang dating mister ni ex-PCSO General Manager Royina Garma na si PCol. Roland Vilela at ang umano’y “bata’”ni Garma na si PSSg. Jeremy Causapin alyas “Toks”.

Matatandaan na una nang sinibak sina PLt. Col. Santi Mendoza na nagbunyag sa house quad committee hinggil sa kaso at PCol. Hector Grijaldo, ang hepe noon ng Mandaluyong police nang tambangan si Barayuga.

Sinabi ni Fajardo na itinuturing na susi sa krimen si Kausapin na nagsilbi umanong tulay ni Garma sa mga inutusan para itumba si Barayuga.

Ani Fajardo, hawak na ng special investigation group ang mga dokumento at pangalan ng mga unang nag-imbestiga sa krimen na nangyari noong Hulyo 30, 2020.

Samantala, magsasagawa na rin ng imbestigasyon ang PNP-Internal Affairs Service (IAS) sa kaso ng pagpaslang kay Barayuga.

Kasabay na rin ito ng pagsilip sa posibleng “cover-up” sa kaso na itinuring na bilang “cold-case” noong 2020 at nabuhay na muli nang magsagawa ng pagdinig ang House Quad Committee.

Ayon kay PNP-IAS Inspector General, Atty. Brigido “Dodo” Dulay, malawakan ang gagawing imbestigasyon sa kaso na inaasahang magtatagal ng 45-60 araw.

Show comments