Mga nakilala sa Facebook
MANILA, Philippines — Isang tinaguriang “serial rapist” ang nalambat ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) matapos umaming nakapambiktima na ng mula 10 hanggang 15 babae, sa ikinasang operasyon sa Ermita, Manila.
Nasa kustodya na ng MPD ang suspek ay kinilala lang sa alyas na “Mario”, 38, residente ng Caloocan City.
Si Mario ay inaresto sa Philippine General Hospital sa Taft Avenue, Ermita, sa bisa ng arrest warrant na inisyu ng Manila Metropolitan Trial Court at Manila Regional Trial Court sa patung-patong na kasong rape, attempted rape, light threats, robbery, at Cybercrime Prevention Act of 2012.
Nabatid na modus operandi ng suspek na alukin ng trabaho sa social media ang mga biktima ngunit sa halip na bigyan ng pagkakakitaan ay kanyang ginagahasa.
Pinapupunta umano ng suspek ang biktima sa kuwarto ng isang hotel kung saan naghihintay umano ang babaeng recruiter. Dito ay dinodroga nito ang mga biktima kaya’t nagagawa ang kanyang kahalayan.
Hina-hack din umano ng suspek ang social media account ng mga biktima at ipinadadala sa mga kaanak at kaibigan nito ang mga hubad nilang larawan at video at ipinanakot para magkapera.
Nakapiit na ang suspek at walang piyansang inirekomenda ang hukuman para sa kanyang pansamantalang paglaya.