MANILA, Philippines — Ipinag-utos ng Supreme Court (SC) ang pag-aresto sa maybahay ng pinaslang na tanyag at award-winning car racer na si Ferdinand “Enzo” Pastor at ipinabalik din ang Hold Departure Order (HDO) laban sa kanya.
Nabatid na pinagtibay ng Mataas na Hukuman ang resolusyon ng prosekusyon na nakakita ng sapat na basehan o probable cause upang sampahan ng kasong parricide si Dalia Pastor dahil sa pagpapapatay sa sariling asawa.
Sa desisyong iniakda ni Associate Justice Amy C. Lazaro-Javier, binaliktad ng Second Division ng Supreme Court (SC) ang desisyon ng Court of Appeals (CA) na nagbabasura sa kasong kriminal laban kay Dalia.
Tinukoy ng Korte Suprema na may sapat na ebidensya na nagpapakitang co-conspirator o kasabwat si Dalia sa pagpatay sa biktima.
Pinagbasehan ng hukuman sa desisyon ang mga testimonya ng dating kasambahay nina Enzo at Dalia, ng gunman, at ng gun-for-hire na sinasabing unang kinausap ni Dalia at ng kanyang karelasyon na si Domingo de Guzman, para patayin si Enzo, na nagpapatunay na si Dalia ay may aktibong partisipasyon sa krimen.
Ginamit din na basehan ang pahayag ng mekanikong si Paolo Salazar, na kasama ni Enzo ng paslangin ito, na nagsabing ilang ulit na tinawagan ni Dalia ang asawa upang alamin ang lokasyon nito.
Batay sa rekord ng hukuman, taong 2014 nang barilin ng isang lalaki si Enzo habang sakay ng isang truck at nakahinto sa isang traffic light, sa panulukan ng Visayas Avenue at Congressional Avenue, papuntang Clark, Pampanga.