10 fratmen ‘guilty’ sa Atio Castillo hazing!
40-taong kulong
MANILA, Philippines — Hinatulan ng reclusion perpetua o 40 taong pagkabilanggo ng mababang hukuman ang 10 fraternity members na akusado sa pagkamatay sa hazing ng University of Santo Tomas (UST) law freshman na si Horacio “Atio” Castillo III, may pitong taon na ang nakakaraan.
Sa desisyong ibinaba kahapon, napatunayan ng Manila Regional Trial Court Branch 11 na “guilty beyond reasonable doubt” sa kasong paglabag sa Anti-Hazing Law of 1995 sina Arvin Rivera Balag, Mhin Wei Chan, Axel Munro Hipe, Oliver John Audrey Onofre, Joshua Joriel Macabali, Ralph Trangia, John Robin Ramos, Jose Miguel Salamat, Danielle Hans Matthew Rodrigo, at Marcelino Bagtang Jr.
Bukod sa hatol na pagkabilanggo, inatasan ng hukuman ang mga nabanggit na magbayad sa mga naulila ni Castillo ng P461,800 bilang actual expenses, P75,000 civil indemnity, P75,000 moral damages, at P75,000 exemplary damages.
“All the amounts shall earn interest at the rate of 6% per annum upon finality of the decision until fully paid,” bahagi ng desisyon ng hukuman.
Matatandaang Setyembre 17, 2017 nang masawi si Atio matapos na isailalim sa initiation rites ng mga akusado, na pawang miyembro ng Aegis Juris fraternity.
Naisugod pa sa Chinese General Hospital si Atio ngunit idineklara na ring patay ng mga doktor.
Tinangka pang pagtakpan ng mga akusado ang krimen ngunit nabuking din matapos ang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad.
- Latest