Babaeng sangkot sa textbook scam, timbog ng NBI
MANILA, Philippines — Nasa kustodya na ngayon ng National Bureau of Investigation (NBI) ang babaeng nasangkot sa tinaguriang textbook scam noong taong 1999 na nagkunwari umanong patay na kung kaya nakalusot sa kaso.
Ito ay makaraang mahuli ng NBI agents ng suspek na si Mary Ann Maslog alyas “Jessica Francisco” dahil sa kasong paglabag sa falsification of public documents at Anti-Alias law.
Nabisto si Maslog ng NBI nang lumapit ito sa ahensiya at nagpakilalang isang Jessica Francisco at hiniling na maimbestigahan ang isang dating opisyal ng pamahalaan. Gayunman, walang na-verify na impormasyon ang NBI sa sinasabi ng babae kaya’t sila ay nagduda sa pagkatao nito.
Dito lumitaw na ang babaeng si Jessica Francisco at si Mary Ann Maslog na may kaso noong 1999 kaugnay sa P200-million textbook contract ay iisang tao, batay na rin sa kanilang finger prints.
Kahapon sa press conference, natanggap ng NBI ang arrest warrant mula sa Sandiganbayan kaya’t nawalan ng bisa ang paglalagak ng piyansa sa korte na naunang ginawa ng kampo ni Maslog.
Samantala, sinabi ni Atty Louie Bernard Aquino, abogado ni Maslog na hindi totoo na nagtago ang kanilang kliyente. Sa katunayan aniya ay nagnenegosyo ito nang maayos.
Nagtataka rin ang kampo ni Maslog sa arrest warrant dahil photocopy lang naman umano ito nang maisilbi sa kliyente.
- Latest