2 Korean fugitives timbog sa BI office
Habang nag-aaplay ng visa extension
MANILA, Philippines — Dalawang South Koreans na pugante sa kanilang bansa, ang inaresto ng mga awtoridad habang nagtatangkang mag-apply na tourist visa extension sa mismong punong tanggapan ng Bureau of Immigration (BI) sa Intramuros, Maynila, nabatid kahapon.
Ayon kay Raymond Remigio, hepe ng Tourist Visa Section ng BI, ang Korean nationals na sina Lee Wonwoong, 33, at Huh Hwan, 60, ay naharang sa isinagawang routine database checks ni Immigration Officer Philip Reyes noong Setyembre 26. Natuklasan ang dalawa na kapwa may active derogatory records, sa pamamagitan ng centralized database ng BI, habang nag-a-apply ng kanilang visa extension.
Kaagad na inaresto ng Fugitive Search Unit (FSU) ng BI, ang dalawang Koreano matapos na isyuhan ng mission order ni BI Officer-in-Charge Joel Anthony Viado.
Nabatid na si Lee ay nahaharap sa kaso sa South Korea dahil sa pag-operate ng illegal gambling establishments habang si Huh ay sinasabing wanted dahil sa kasong multiple fraud cases.
Kaugnay nito, pinuri ni Viado ang mga tauhang nakaaresto sa dalawang pugante.
Ang dalawang dayuhan ay kapwa nakapiit na sa pasilidad ng BI sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig habang nakabinbin pa ang deportation proceedings laban sa kanila.
- Latest