Mag-pinsang senior itinago sa lababo, banyo

Kinilala ang mga biktima na sina Elpidio Aguillon Agduyeng, 71 at Imelda Barcarse, 65 kapwa residente ng Blk 10 Lot 10 Espoleto Street, St. Francis Village, Barangay San Bartolome, Quezon City.
STAR/File

Bangkay umalingasaw

MANILA, Philippines — Bunsod ng masangsang na amoy, na­tagpuan ang naaagnas nang bangkay ng magpinsang senior citizens kahapon ng madaling araw sa Novaliches, Quezon City.

Kinilala ang mga biktima na sina Elpidio Aguillon Agduyeng, 71 at Imelda Barcarse, 65 kapwa residente ng Blk 10 Lot 10 Espoleto Street, St. Francis Village, Barangay San Bartolome, Quezon City.

Sa pagsisiyasat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), natagpuan ang bangkay ng mga biktima dakong alas-3 ng madaling araw sa nabanggit na address.

Nabatid na nakatanggap ng reklamo si Sigfrid Galvez Amante, Homeowner’s Association President ng nasabing village dahil sa masangsang na amoy na nanggagaling sa nasabing bahay.

Kasama ang mga pulis at barangay officials tinungo ng mga ito ang bahay at nakitang nasa state of decomposition na ang mga bangkay.

Natagpuan ang bangkay ni Barcarse sa kabinet sa ilalim ng lababo habang sa banyo naman si Agduyeng.

Palaisipan sa mga awtoridad ang pagkaka­tagpo sa bangkay ni Barcarse.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa kaso upang malaman ang ikinamatay ng mga ito.

Nasa JROA Fune­ral Services ang mga bangkay.

Show comments