7 dinakma ng NBI sa Cyber scam

Kinilala ni NBI Director Jaime Santiago ang mga suspek na sina Arnel Bautista Dayrit, Reniel Vergara Pabalan, Sharlene Manliclic Agustin, Amanda Eunice Roaquin Turalde, Mark Jhondell Dumaraus Padua , Vanessa Manliclic Agustin at Kaey Ann  Agustin  Pabalan.
Philstar.com / Jovannie Lambayan

MANILA, Philippines — Hinuli ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation-Pampanga District Office (NBI-PAMDO) at ng 301st Special Mission Group, 300th Air Intelligence Security Wing ng Phi­lippine Air Force ang pitong pinoy na nasa likod ng umanoy Cyber related Scams sa Pampangga.

Kinilala ni NBI Director Jaime Santiago ang mga suspek na sina Arnel Bautista Dayrit, Reniel Vergara Pabalan, Sharlene Manliclic Agustin, Amanda Eunice Roaquin Turalde, Mark Jhondell Dumaraus Padua , Vanessa Manliclic Agustin at Kaey Ann  Agustin  Pabalan.

Sinabi ni Director Santiago na ang paghuli sa mga nabanggit ay bunga ng tip na natanggap ng NBI-PAMDO na ang FXTM USDT FOREX TRADING na nasa  Brgy. Salapungan, Angeles City, Pampanga ay nag-ooperate bilang cryptocurrency scamming hub na target ang mga dayuhan mula sa US, Middle East at Europe.

Sinasabing gamit ng FXTM ang social engineering, love scam, impersonation scam, phishing link at malicious website upang mahimok ang mga biktima at makapag-invest sa kanilang cryptocurrency platform.

May dalawang buwan ding sinubaybayan at tiniktikan ng NBI ang modus ng kompanya at nang makumpirma ang reklamo ay agad humingi ang NBI-PAMDO ng Warrant to Search, Seize and Examine Computer Data (WSSECD) sa naturang establisimyento.

Sa bisa ng naturang warrant mula sa korte, nakumpiska ng NBI sa establisimyento ang 85 units ng desktop computers; 114 units ng assorted cellular phones; ibat ibang SIM cards at used SIM card chips at ibat ibang dokumento na naglalaman ng e-mails, passwords at cryptocurrency wallet addresses.

Napatunayan dito na ang tunay na pangalan ng kompanya ay FMD Non-Voices Outsourcing Services na nakatala dito ang pangalan ng may ari at mga opisyal ng establisimyento.

Show comments