MANILA, Philippines — Patay ang isang hinihinalang holdaper habang sugatan ang isa pang kasama, nang manlaban umano habang inaaresto ng mga pulis matapos ireklamo ng isang dayuhan na tinangka umano nilang agawan ng cellphone at alahas sa Malate, Manila kahapon.
Tinangka pa ng mga doktor ng Ospital ng Maynila na isalba ang suspek na si alyas “John Paul”, 25, ng Sta. Cruz, Manila, ngunit binawian din ng buhay dahil sa tinamong tama ng bala sa katawan. Sugatan naman ang kasama niyang si alyas “Christian”, 22, ng Parada, Valenzuela City na nakapiit na at mahaharap sa kaukulang kaso.
Sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Malate Police Station 9 (PS-9), dakong alas-12:01 ng madaling araw sa Taft Avenue kanto ng Dagonoy St., Malate habang nagpapatrolya ang pulis sa lugar nang lapitan sila ng isang dayuhan at inireklamo ang ginawang tangkang paghablot sa kanyang cellphone at mga alahas ng dalawang suspek na magkaangkas sa kulay itim na Honda click na motorsiklo, kapwa nakasuot ng half face helmet, ang isa ay nakaitim na t-shirt, jogging pants, at ang kasama ay nakasuot ng kulay puting sweatshirt at khaki na pantalon.
Nang tingnan ang CCTV ng Barangay 725 ay namataan ang mga suspek sa Quirino Avenue, kanto ng Taft Avenue, kaya’t kaagad na nagtungo doon ang mga pulis.
Gayunman, bago pa man umano nakalapit ang mga pulis, mabilis na sumibat ang dalawang suspek at nang mag-U-turn ay bumunot umano sila ng baril sanhi ng engkwentro na ikinasawi ng isa.
Narekober mula sa mga suspek ang dalawang .38 kalibre, na hinihinalang ginagamit nila sa kanilang masamang gawain. Nabawi rin ang isang iPhone 15 Promax na pagmamay-ari umano ng isang law student, na una nang nagreklamo sa mga pulis na hinoldap ng mga suspek alas-9:30 ng gabi ng Huwebes sa Dapitan St., malapit sa UST, sa Sampaloc, Maynila.