MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ng Bureau of Corrections (BuCor) na iniutos ng Muntinlupa court ang pagpapalaya sa dating police officer na si Jimmy Fortaleza, na nagsilbing saksi at nagbigay ng testimonya sa Quad Committee hearing ng Kamara de Representantes kaugnay sa pagpatay sa tatlong Chinese drug lords noong Agosto 2016 sa loob ng Davao Penal Colony.
Nasa kustodiya pa ng Kamara si Fortaleza na siya namang nagpatunay sa mga testimonya ng dalawa pang persons deprived of liberty (PDLs) kaugnay sa pagpatay sa tatlong Chinese drug lords sa loob ng Davao Penal Colony noong 2016, na siyang paksa ng isinasagawang imbestigasyon ng komite ng Kamara.
Ayon sa pahayag ni BuCor Director General Gregorio Pio Catapang Jr., ang kautusan ay matapos pagbigyan ng korte ang petisyon ni Fortaleza na kailangang ipaalam sa Quadcom.
Base sa 14-pahinang desisyon na may petsang Setyembre 23, 2024 ni Presiding Judge Gener Gito ng Regional Trial Court Branch 206 ng Muntinlupa City, pinagbigyan nito ang petisyon ni Fortaleza para sa “habeas corpus with prayer for computation of special rime allowance for loyalty” (STAL).
Sa kautusan ng korte, ang dalawang STAL na inaplay ay may 4/5 reduction kaya mababawasan ang kaniyang sentensya na 32 taon na pagkakakulong, at lumalabas na walong taon lamang.
Ayon sa korte, base sa computation ng kanyang records, nakakulong si Fortaleza mula noong Hunyo 8, 2008, at nakapagsilbi ng 10,748 araw na pagkakakulong o kabuuang 29 taon, 5 buwan at 13 araw. Kaya naman, ganap na niyang naisilbi ang hatol na ipinataw laban sa kanya.
Inatasan din ng korte ang Corrections Officer na agad na palayain si PDL Fortaleza at inatasan din ito na iulat sa korte sa loob ng limang araw ang petsa at oras na pinalaya si Fortaleza.
Si Fortaleza ay may hatol na tatlong “reclusion perpetua” para sa 3-counts of murder, apat na buwan sa minimum at maximum na isang taon at walong buwan para sa 2-counts of arbitrary detention at minimum na 2 taon at 4-buwan na may maximum na 4-taon at 9 na buwan sa arbitrary detention.