3 suspek sa pamamaril sa Quezon City timbog, 1 tanod na sugatan, namatay na

Iprinisinta ni Quezon City Police District (QCPD) Director PBGen Redrico Maranan ang tatlong suspek sa pamamaril at pamamaslang sa isang lalaki at barangay tanod matapos ang ginawang follow-up operations ng mga tauhan ng QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU).

MANILA, Philippines — Arestado sa mga tauhan ng Quezon City Police District Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) ang tatlong indibiduwal na sangkot sa insidente ng pamamaril nitong Martes ng gabi na ikinasawi ng dalawa katao sa Quezon City.

Nahaharap sa 2 counts ng murder at illegal possession of firearms sina Ricardo Lucas, Jr., 44 ng Burgos, Lupao, Nueva Ecija; Ernie Tambaoan, 40, foreman, ng No.73 Justice St. Brgy. San Bartolome, Quezon City habang illegal possession of firearms naman ang live-in partner ni Tambaoan na si Jenny Joy Roldan, 31.

Batay sa record, binaril at napatay ni Lucas ang biktimang si Pelagio Cabudda habang unang­ isinugod sa East Avenue Medical Center ang tanod na si Cornelio Nuval at sa Quezon City General Hospital naman si Ambrocio Bradecina. Ngunit namatay rin si Nuval dahil sa tinamong tama ng baril.

Ayon kay QCPD Director PBGen. Redrico Maranan, nagsagawa ng follow up operations ang mga tauhan ni QCPD CIDU chief PMaj. Dondon Llapitan sa pa­ngunguna ni PCapt. Reynandy Tagle kung saan tinungo at sinuyod ang lugar hanggang sa makatanggap ng impormasyon na sa Barskie Appartel sa Paya­tas Road, Brgy. Payatas, Que­zon City nagtatago ang mga suspek.

Lumilitaw na nakatanggap ng reklamo mula sa ilang residente ang mga barangay tanod hinggil sa pag-iingay umano ng mga suspek sa Block 9, Lot 14, Balu­yot 2A, Brgy. Sauyo, Quezon City, bandang alas-10:30 ng gabi nitong Martes.

Sinita nina Nuval at Bradecina ang mga suspek at pinagsabihan hinggil sa paglabag sa City Ordinance SP-2975 S-2020 (Bawal Maingay Sa Quezon City) saka bumalik sa Barangay Satellite Office.

Ikinagalit ng mga suspek ang paninita kaya napagdiskitahan ni Tamabaoan ang pamangkin ni Pelagio na si Angel Cabaddu. Nakita ni Pelagio ang pananakal ni Tambaoan kay Angel kaya sinaklolohan niya ito subalit binaril ito ni Lucas sa likod. Sumunod namang binaril ni Lucas ang dalawang barangay tanod.

Napag-alaman sa Crime Information, Reporting and Analysis System (CIRAS) na may kasong homicide sa Lingayen, Pangasinan at murder at paglabag sa RA9165 sa Nueva Ecija si Lucas.

Show comments