‘Scammer’ na nag-selfie kay Sec. Remulla, timbog!

Justice Secretary Jesus Crispin "Boying" Remulla on July 10, 2024
Screenshots/RTVM

MANILA, Philippines — Lilimitahan na ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang pakikipag-selfie matapos na isang lalaking diumano’y “scammer” na nagtungo sa kaniyang tanggapan sa Department of Justice (DOJ) ang nagpakuha sa kanya ng larawan.

Nabatid na nitong Lunes, Setyembre 23, nang magpakilalang tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang suspek na hindi pa pinangalanan nang pumasok umano sa DOJ office at nakipag-selfie kay Remulla.

Nang iberipika, nadiskubre na hindi konektado o empleyado ng BI ang lalaki na armado dahilan upang pigilin at arestuhin.

Natukoy din na ang dalang baril ay hindi lisensyado.

“This guy is a scammer, pero let’s look where the case reaches, kasi isa-isa lang, sa ngayon illegal possession of firearm pa lang ang kaso,” aniya.

Sinabi niya na mas mahigpit na seguridad ang ipinatutupad ngayon sa DOJ compound matapos ang insidente.

“Ang problema natin sa bansa kasi itong selfie selfie, eto ‘yung nagi­ging record ng maraming tao, pa-picture nang pa-picture, sometimes it’s not good anymore talaga,” ani Remulla.

“Etong selfie dapat pwede tayong mag-turn down nang hindi nagagalit ang tao,” dagdag pa niya.

Matatandaang naging isyu na ang “selfie” nang batikusin ang nag-viral na pakikipag-selfie ng ilang tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) at Bureau of Immigration (BI), nang kanilang sunduin si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa Indonesia.

Sinabi ni Remulla na dapat nang baguhin ang kultura ng “selfie-selfiie” at pairalin ang propesyunalismo dahil hindi naman dapat i-selebreyt ang isang wanted person.

Show comments