Grade 9, tinarakan ng Grade 11 student

Itinago sa pangalang alyas Kim, 16, ang biktima na nagtamo ng saksak sa katawan habang ang suspek na si alyas Jon, 15, ay nasa kustodiya na ng pulisya at nakatakdang ilipat sa kustodya ng DSWD dahil sa pagiging minor.
STAR/File

MANILA, Philippines — Isang Grade 9 student ang inoobserbahan sa ospital matapos na saksakin ng Grade 11 student kamakalawa ng gabi sa Navotas City.

Itinago sa pangalang alyas Kim, 16, ang biktima na nagtamo ng saksak sa katawan habang ang suspek na si alyas Jon, 15, ay nasa kustodiya na ng pulisya at nakatakdang ilipat sa kustodya ng DSWD dahil sa pagiging minor.

Batay sa report na nakarating kay Navotas City Police chief PCol. Mario Cortes, nangyari ang insidente dakong alas-7 kamakalawa ng gabi sa Block 25, Phase 2, A-1, NBBS Dagat-Dagatan.

Nabatid na nakatanggap sila ng tawag mula sa isang concerned citizen na nakasaksi kaya agad na rumesponde sa lugar. Nakita ang komosyon ng dalawa na humantong sa pananaksak ni “Jon” kay “Kim”.

Sa isinagawang follow-up investigation ng mga tauhan ng Sub-Station 4 ay narekover kay “Jon” ang kitchen knife na may humigit-kumulang pitong pulgada ang haba na pinaniniwalaang kanyang ginamit sa pananaksak sa kapwa estudyante.

Lumalabas na may matagal na umanong alitan ang dalawa.

Show comments