MANILA, Philippines — Sinampahan na ng patung-patong na reklamo ang tatlong Chinese at isang Pilipino na sangkot sa viral shooting sa Pasay City noong Sabado.
Paglabag sa Alarms and Scandal, Reckless Imprudence Resulting in Physical Injury and Damage to Property , Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at Article 254 ng Revised Penal Code (Willful, Indiscriminate Discharge of Firearm), ang inihain laban sa sakay ng Honda Odyssey na sina alyas “Xiaolei”, Chinese national, 40 anyos; at alyas “Redentor”, Filipino, 39 anyos.
Sa mga suspek na sakay naman ng BMW, si alyas “Wang”, Chinese national, 31, ay nahaharap sa reklamong RA 10591, RA 11926 (Willful, Indiscriminate Discharge of Firearm), BP 6 (Illegal Possession of Bladed Weapon), at RA 4136 (Land Transportation Code) habang ang kasama na si alyas “Lin”, Chinese national, 34, ay sinampahan ng Carnapping, RA 10591, Alarms and Scandal, at Use of Fictitious Name.
Matatandaang nag-viral ang barilan ng mga suspek na sakay ng Honda Odyssey at BMW na nauna nang inakalang banggaan at gitgitan lamang ang dahilan, alas-3:00 ng madaling araw ng Setyembre 21 sa Roxas Boulevard, panulukan ng Sen. Gil Puyat Avenue, sa Pasay.
Sa imbestigasyon, binangga muna ng Honda Odyssey ang BMW at nauwi na sa barilan, nang unang putukan ng sakay ng BMW ang kabilang panig.
Sa pagresponde ng Pasay City Police Sub-Station 1 kasama ang SWAT team ay nadakip ang dalawang Chinese nationals at ang Pinoy na driver/security, habang nakatakas ang iba pa.
Nadakip naman ng Parañaque City Police sa dragnet operation ang isa pang Chinese at flash alarm sa tinangay nitong e-bike sa isang lalaki.