MANILA, Philippines — Hawak na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pito sa mga umano’y kapwa akusado ni dismissed Bamban Mayor Alice Guo na nasampahan ng kasong Qualified Human Trafficking sa Pasig City Regional Trial Court.
Sa press conference kahapon, sinabi ni NBI Director Jaime Santiago, lima sa mga akusado ang boluntaryong sumuko sa NBI Central Luzon na kinilalang sina Jamielyn Santos Cruz, presidente ng POGO na Zun Yuan Technology Center; Rachelle Joan Malonzo Carreon; Rita Sapnu Yturralde; Rowena Gonzales, at Thelma Barrogo Laranan, habang dalawa naman ang boluntaryong sumuko sa Task Force Bamban na sina Juan Miguel Alpas, at Rhoderick Paul Bernardo Pujante na umano’y nagsilbing treasurer at secretary ng naturang kumpanya.
“Sila ang mga lumalabas na responsable dun sa Hun Zheng at Zun Yuan Corporation, lahat ng ito, ay mga masasabi natin na bogus corporation ni Alice Guo,” pahayag ni Santiago.
Sa kabila nito, nanindigan si Jamielyn Santos Cruz na lehitimo ang kanyang POGO operation.
“Ang investment na ito noong inalok po sa akin ay for online gaming. Ngayon po noong ako ay pumasok dito, ito po ay legal. Because I myself, I go to Pagcor and meet the officials of OGLD offshore gaming license department .So, ‘yun pong mga documents na ito everything communications with Zun Yuan, ako po ay direktang nakikipag- usap at tumatanggap so there’s no way para sabihin na kami po ay bogus o ako po ay bogus, ” ani Cruz.
Sinabi pa ni Cruz na siya ay isang TV host para sa state network PTV 4 at aminadong nakilala si Guo, pero iginiit niyang wala siyang koneksyon dito at lehitimo ang kanyang negosyo.
“Hindi po si dismissed Mayor Alice Guo ang nag-alok sa amin, ‘yung ibang details, sa korte ko na lang po…. Ako po ay TV host ng PTV 4, kaya po icover mga events at festival. kaya noong nagkaroon ng Bamban Festival, naipakilala po si Mayor, ” sabi pa ni Cruz
Binigyang diin ni Cruz na pawang paratang lamang ang human trafficking laban sa Zun Yuan Corporation dahil walang nagaganap ditong trafficking at kaya itong patunayan sa korte.
Idiniin ng ibang akusado na lumabas sila dahil sa takot at upang malinis ang kanilang mga pangalan na umano’y nagamit lamang.
Binigyang diin ni director Santiago na isusumite na nila ngayong araw sa korte ang return of warrant sa mga akusado at hihintayin ang commitment order kung saan madedetine ang mga ito.
Hiniling naman ng mga akusado na sa NBI na lamang sila ipiit dahil sa takot na may mangyari sa kanilang buhay.
Sinabi ni Santiago, bahala na ang korte kung ano ang magiging desisyon hinggil dito. Posible rin aniyang maging state witness sa kaso ang mga akusado.