MANILA, Philippines — Nasa 2,500 na bakanteng trabaho sa Maynila ang inaalok sa gaganaping job fair na bukas din maging sa mga elementary o high school graduates.
Sinabi ni Manila Mayor Honey Lacuna na isasagawa ng pamahalaang lungsod ng Maynila bukas, Setyembre 25, 2024, ang “Kalinga sa Maynila PESO Job Fair” bilang highlight ng lingguhang regular interaction forum sa mga barangay.
Sinabi ni Lacuna na bukas ang job fair sa lahat ng high school graduates, college level, college at tech/vocational graduates at gaganapin mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-12:00 ng tanghali sa kanto ng P. Paredes at Delos Reyes Streets sa Sampaloc, Maynila.
Nabatid mula kay Public Employment Service Office-City of Manila chief Fernan Bermejo na ang nasabing job fair ay gaganapin sa pakikipagtulungan ng Department of Labor and Employment - National Capital Region at ng DOLE- NCR Manila Field Office.
Pinapayuhan ang mga interesadong aplikante na magsuot ng casual attire, magdala ng sampung kopya ng kanilang resume at sarili nilang ballpens at sundin ang umiiral na public health protocols.