MANILA, Philippines — Pormal nang binuksan sa publiko ni Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian ang boardwalk sa Valenzuela na may linear park at bike trail na nasasakupan ng Barangay Coloong, Tagala at Wawang Pulo sa lungsod.
Ayon kay Gatchalian, layon ng boardwalk na may 1,300 kilometrong layo at apat na metrong lapad na linear park na mapanatili ng malusog na pangangatawan ng mga Valenzuelanos lalu na ng mga senior citizen.Maaaring lakaran, takbuhan, laruan at pagbisikletahan ng mga residente ng Valenzuela.
“Ito pong boardwalk natin ay hindi lamang pasyalan, kung hindi ho ay proteksyon para sa ating mga barangay,” ani Gatchalian.
Kasabay ng pagbubukas ng boardwalk, inilunsad rin ng lokal na pamahalaan ang kauna-unahang “Walkathon with Senior Citizen” na nilahukan ng 200 miyembro ng Office of Senior Citizens Affairs (OSCA)-Alliance of Senior Citizen na may malakas na pangangatwan
May 600 metro na bahagi ng boardwalk ang tinakbo ng mga senior citizen bilang kampanya ng malusog na pamumuhay at pag-eehersisyo.
Nagsagawa rin ng libreng go-karting para naman sa mga bata na may edad mula apat hanggang pitong taong gulang sa kabilang bahagi naman ng boardwalk na itinaguyod ng Pedway Go Kart Rental.
Paliwanag ni Gatchalian, hindi lamang pasyalan ang lugar kundi magsisilbi rin itong pangkontrol sa pagbaha.