MANILA, Philippines — Walang pasahero ang naapektuhan ng tigil-pasada na nailunsad kahapon ng transport group na Piston at Manibela.
Ayon kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Teofilo Guadiz, nagmistulang normal lamang ang daloy ng trapiko kahapon dahil kakaunti lamang ng mga tsuper at operator ng jeepneys na nakiisa sa naturang transport strike.
Sinabi ni Guadiz na may naka-standby na libreng sakay ang LTFRB para sa mga mai-stranded na pasahero at mga pulis na naka-monitor para sa pangangasiwa sa kaayusan at katahimikan ng tigil pasada.
Niliwanag din nito na regular traffic situation lamang ang naipakita ng Manibela sa kanilang FB post na may stranded na mga pasahero sa Novaliches, Las Piñas, Caloocan, Pasig at Cavite.
Kahapon, maaga pa lamang ay nagsagawa na ng protesta ang naturang transport groups sa may Araneta Avenue Quezon City at Sta. Mesa, Manila pero hindi naman ito nakaabala sa mga commuters doon.
Binigyang diin ng Piston at Manibela na ang transport strike ay upang kondenahin ang naipalabas na memorandum ni Guadiz na nagsasabing maaaring makabiyahe ang mga unconsolidated vehicles para serbisyunan ang malaking bilang ng mga pasahero.
Gayunman, pumasada ang mga miyembro ng Piston at Manibela na hindi consolidated, pero sila ay pinaghuhuli ng mga traffic enforcers. Ayaw ng mga nabanggit na maipatupad ng pamahalaan ang jeepney phase out sa bansa.