Habang nagsasagawa ng clearing ops
MANILA, Philippines — Patay ang isang 65-anyos na empleyado ng Metro Parkway Clearing Group (MPCG) ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) matapos na sagasaan ng driver ng isang SUV at makaladkad habang nagsasagawa ng clearing operations kahapon ng madaling araw sa Quezon City.
Idineklarang dead-on-the-spot ang empleyado ng MMDA na hindi na pa pinangalanan matapos na makipag-ayos umano ang nakasagasang driver ng SUV na naaresto ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) Traffic Sector 3.
Sa report kay PCapt. Napoleon Cabigon, hepe ng QCPD Traffic Sector 3, bandang alas-2:45 ng madaling araw nitong September 21 nang maganap ang insidente sa EDSA P. Tuazon tunnel sa lungsod.
Abala umano sa pagmamando ng trapiko ang biktima sa lugar para abisuhan ang mga paparating na motorista na may isinasagawa silang clearing operation o paglilinis ng tiles sa pader ng tunnel pero bigla na lamang dumire-diretso ang kulay puting SUV sa lane kung saan nakatayo ang biktima hanggang sa masagasaan ito at makalakad pa ng may ilang metro ang layo.
Agad na hinabol ng mga kasamahan ng biktima ang SUV at nakorner ito pagsapit sa Cubao Exit.
Sa pahayag naman ng SUV driver sa pulisya, nakaidilip umano siya kaya hindi niya napansin ang mga traffic cone at mga warning device na inilagay sa kalsada upang i-cordon ang isang lane, kung saan nagmamando ng trapiko ang biktima.
Nangako naman si MMDA Special Operations Group Head Gabriel Go na kanilang tutulungan ang pamilya ng biktima bagama’t nagkaareglo na umano ang magkabilang panig.