MANILA, Philippines — Nasa 90 porsyento na ang nabayaran ng Department of Health (DOH) ng kabuuang obligasyon sa Health Emergency Allowance (HEA) na P103.5 bilyon, kasunod ng desisyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na pondohan ang natitirang P27.3 bilyon ngayong taon.
Sa isang news release nitong Sabado, sinabi ng Department of Health (DOH) na bilang implementing agency, naayos na nito ang humigit-kumulang na 14.5 milyong claims mula sa mga health workers na nagsilbi noong panahon ng Covid-19 pandemic.
Noong Abril ng taong ito, nakapagtala ang DOH ng humigit-kumulang P23.4 bilyong halaga ng mga obligasyon ng HEA para sa 4.3 milyong claims na hindi mabayaran dahil sa limitasyon sa badyet. Matapos iproseso at pagbigyan ng DOH ang mga apela, tumaas ang bilang na ito sa P27.3 bilyon.
Noong Hulyo, inatasan ni Pangulong Marcos si Budget and Management Secretary Amenah Pangandaman na huwag nang hintayin ang General Appropriations Act of 2025 na bayaran ang halagang ito, at iproseso ito ngayong taon.
Sinabi ng DOH na ang surplus fund balance o labis na bayad na ibinalik ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa pambansang pamahalaan ay nagbigay ng cash na kailangan.
Dahil dito, agad na naglabas ng Special Allotment Release Order (SARO) ang Department of Budget and Management (DBM) para matupad ng DOH ang obligasyon. Noong Setyembre 20 ngayong taon, 64 porsiyento ng karagdagang P27.3 bilyon ang naibigay na.