MANILA, Philippines — Pinayuhan ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rommel Fransico Marbil ang kanyang mga tauhan na huwag magpagamit sa mga pulitiko, dahil sa nalalapit na paghahain ng kandidatura sa susunod na buwan ng mga kakandidato para sa 2025 elections.
Ayon kay Marbil, hindi siya mag-aatubiling parusahan ang sinumang mahuhuling nagpapagamit o nagpapaimpluwensiya sa mga pulitiko na mahigpit na ipinagbabawal ng batas.
Pakiusap ni Marbil sa mga tauhan na iwasang magpagamit sa mga pulitiko at manatili sa pagpapatupad ng kanilang tungkulin at peace and order habang isinasagawa ang eleksiyon.
Dagdag ni Marbil, responsibilidad ng PNP na protektahan ang halalan at hindi makikialam.
Aniya, dapat na ipakita ng mga pulis ang kanilang dedikasyon sa trabaho at panatilihin ang tiwala ng publiko sa PNP.
“It is our duty to ensure that the election process remains peaceful, orderly, and secure. Every police officer must remember their oath to serve the people, not politicians,” ani Marbil.
Samantala, ikinakasa na rin ng PNP ang seguridad sa filing ng candidacy sa unang linggo ng Oktubre kung saan inaasahan na ang pagdagsa mga kandidato at kani kanilang mga taga suporta.
Ani Marbil, ngayon pa lamang ay kanila nang paiigtingin ang intelligence, investigation, operations, at community relations upang maging maayos at tagumpay ang paghahain ng kandidatura ng mga kandidato at maging sa halalan.