MANILA, Philippines — Bilang tugon sa magkasunod na pananalasa ng bagyong Ferdie at Gener na pinalakas ng habagat, napagkalooban na ng tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga apektadong pamilya sa Cagayan Valley na nagkakahalaga ng higit P265,000.
Ayon kay DSWD spokesperson Irene Dumlao, nagkaloob na ang Field Office 2 - Cagayan Valley ng kabuuang 375 na kahon ng family food packs (FFPs) sa mga pamilyang naapektuhan ng magkasunod na kalamidad sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon.
Sa bilang na ito, 300 family food packs ang naipamahagi sa mga pamilya sa Bambang at 15 family food pack sa Ambaguio sa Nueva Vizcaya.
Bukod dito, nakapagbigay rin ang Field Office 2 ng agarang tulong sa apat na pamilya mula sa Sto. Nino, Cagayan, walong pamilya sa Palanan, Isabela at 48 na pamilya sa Cabarroguis, Quirino.
Tiniyak ni Dumlao na patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan sa rehiyon para pagkalooban pa ng karagdagang tulong ang mga nangangailangan.