Caloocan City Police, moderno at pinakamalaking police station sa Metro Manila - Mayor Malapitan

Caloocan City Mayor Dale Gonzalo Malapitan

MANILA, Philippines — Tiniyak ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along“ Malapitan na mas bubuti ang pagseserbisyo sa lungsod ng mga kapulisan kasunod ng pagpapatayo ng moderno at pinakamalaking police station sa Sangandaan, Caloocan City.

Ayon kay Malapitan, pinondohan ng P300 milyong ng tanggapan ni Caloocan 1st District Congressman Oscar “Oca” Malapitan ang pagtatayo ng apat na palapag na bagong headquarters na inaprubahan naman ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez.

Nabatid na maliban sa headquarters ng Caloocan police, bagong Caloocan City Fire Station din ang itatayo at modernong sports complex.

Lumilitaw na nasunog noong Nobyembre 14, 2017 ang Caloocan City Police Headquarters subalit hindi agad naipagawa dahil ang lupang kinatitirikan ng nasunog na gusali ay pag-aari ng Philippine National Railways (PNR) na nasa ilalim ng Department of Transportation (DOTr)

Gayunman, sinabi ni Mayor Along na sa pagtutulungan nila ng kanyang amang si Congressman Oca Malapitan naigawad ang lupa sa Caloocan City ng PNR sa pamamagitan ng Deed of Donation ang tatlong ektaryang lupa sa Samson Road na pagtatayuan ng bagong Caloocan Police Station, gusali ng Caloocan Fire Station at modernong Sports Complex.

Inaasahan nila na matatapos ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na mangangasiwa sa konsturksiyon ng bagong police station ang pagtatayo nito bago sa kalagitnaan ng taong 2026.

Show comments