MANILA, Philippines — Nasira ang catenary wire ng isang istasyon ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2), na siyang nagsusuplay ng kuryente sa rail line matapos na tamaan ng kidlat kamakalawa ng gabi, sa kasagsagan ng malalakas na pag-ulan dulot ng Habagat.
Ayon kay Light Rail Transit Authority (LRTA) administrator Atty. Hernando Cabrera, dakong alas-9:44 ng gabi nang maganap ang insidente sa Gilmore Station ng LRT-2 at nairekord pa ito ng kanilang CCTV.
Sinabi ni Cabrera na nasa 70 metro ang haba ng catenary wire na napinsala dahil sa kidlat.
Hindi rin umano nila kaagad na nakumpuni ang sira dahil sa sunud-sunod na mga pagkidlat na naganap.
“’Yung nasirang kable around mga 70 meters kaya natagalan tayong mag-repair, plus nu’ng umpisa may mga kidlat pa,” pahayag pa ni Cabrera, sa panayam sa telebisyon.
Aniya, kaagad rin silang nagpalabas ng abiso na maaaring maantala ang pagsisimula ng kanilang operasyon nitong Lunes.
Magdamag aniyang trinabaho ng kanilang maintenance team ang sira at mabuti na lamang aniya ay natapos nila ang pagkukumpuni at testing dakong alas-3:30 ng madaling araw kahapon.
Dahil dito, nagawa pa rin ng LRT-2 na makapagsimula ng operasyon dakong alas-5:00 ng madaling araw.