Customs ‘fixer’, 3 pa; pinatawan ng reclusion perpetua ng Manila RTC
Sa P6.4 bilyong Shabu shipment
MANILA, Philippines — Pinatawan ng mababang hukuman ng parusang reclusion perpetua ang Customs “fixer” na si Mark Taguba at tatlong iba pa kaugnay sa kinakaharap na kasong may kinalaman sa P6.4-bilyong shabu shipment mula sa China noong 2017.
Batay sa 89-pahinang consolidated decision, na na-promulgate kamakalawa, napatunayan ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 21 na si Taguba; Eirene Tatad, na consignee ng shipment; warehouseman na si Fidel Dee; at negosyanteng si Dong Yi Shen ay guilty sa pag-aangkat, pagtanggap, pagpasilidad at misdeklarasyon sa ilalim ng Customs Modernization and Tariff Act.
Bukod sa parusang reclusion perpetua o hanggang 40-taong pagkabilanggo, inatasan din silang magbayad ng multang P50 milyon para sa bawat bilang ng kaso, o kabuuang P150 milyon.
Nag-ugat ang kaso sa isang shipment na dumating sa bansa noong Mayo 2017.
Idineklara ang shipment na mga pakete ng cutting board, footwear, kitchenware, at iba pa.
Gayunman, batay na rin sa tip ng kanilang Chinese counterpart, narekober ng Bureau of Customs (BOC) at National Bureau of Investigation (NBI) ang 602.2 kilo ng shabu mula sa isang bodega sa Valenzuela City noong Mayo 26.
- Latest