Higit P1 milyong droga, high school student 2 pa arestado
MANILA, Philippines — Isang 20-anyos na senior high school student ang inaresto ng mga awtoridad sa buy-bust operation at nasamsaman ng halos P900-libo halaga ng iligal na droga, sa Taguig City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Southern Police District (SPD) Director P/Brig. General Leon Victor Rosete ang suspek na si alyas “Alexis”, isang High Value Individual (HVI), senior high school student at residente ng Daang Hari St., Barangay Tuktukan, Taguig dahil sa pagbebenta ng iligal na droga.
Sa ulat, dakong alas-9:20 ng gabi ng Setyembre 12, 2024 nang maaresto ang suspek sa Bagong Kalsada St. Brgy. Ususan, Taguig City.
Isinagawa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit ng Taguig City Police Station ang operasyon kung saan kumagat sa pain na pagbili ng poseur-buyer ng P30-libong halaga ng shabu gamit ang boodle money na may nakaibabaw na genuine P1000 bill.
Bukod sa nabiling iligal na droga, nasamsam din ang iba pang plastic bag na naglalaman ng shabu na umabot sa kabuuang 126. 2 gramo na katumbas ng street value na ?858,160.00.
Sa hiwalay na operasyon ng Parañaque City Police Station Special Drug Enforcement Unit (SDEU), nasa P170,000.00 halaga ng shabu ang nasamsam sa dalawang drug suspect, sa Barangay San Isidro, Parañaque City.
Dakong alas-7:25 ng gabi ng parehong araw nang isagawa ang buy-bust operation sa St. Francis Street, Brgy. San Isidro kung saan nadakip ang mga suspek na sina alyas “Ferdinand”, 42 , residente ng Brgy. San Dionisio, Parañaque City; at alyas “Noel “ , 35 , ng nabanggit ding brgy.
Nakatakdang isalang sa inquest proceedings ang tatlong suspek sa paglabag sa Section 5 at 11 ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
- Latest